Nagbiro si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya tumatanggap ng dinner invitations mula sa kapwa mga lalaki at ang pinauunlakan lang niya ay ang ‘single’ na mga babae.
Sa talumpati sa launching ng mobile app na ‘911 Tesda’ sa Taguig araw ng Martes, sinabi ng pangulo na tumatanggap lang siya ng imbitasyon mula sa babaeng ‘walang sabit’ at may pambayad.
“If you want to invite me [to dinner], first you must be a lady na walang sabit at may pambayad ka sa kinain natin,” ayon sa pangulo.
Pero ayon sa pangulo, siya na ang unang kikilos kung medyo tipo na niya ang babae.
“Kung medyo masama na ang tingin ko sa’yo, ako na mismo ang mag-aaya sa’yo,” giit ng pangulo.
Makailang beses nang umani ng kritisismo ang pangulo sa kanyang biro tungkol sa mga babae at sa rape.
Kamakailan lamang ay nilagdaan ng pangulo ang ‘Bawal Bastos’ law na nagbibigay parusa sa mga masasangkot sa catcalling, pagbibitaw ng sexual jokes at iba pang uri ng sexual harassment.
Ito ang dahilan kung kaya’t hinamon ng Gabriela party-list ang presidente na unang sumunod sa batas.
Pero ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, si Pangulong Duterte ang unang susunod sa batas at hindi kailanman anya ito naging bastos.