Sa isang statement, sinabi ni NUPL President Edre Olalia na pinatutunayan lamang ng desisyon ng CA na ang amparo, bilang legal remedy, ay bigo na maprotektahan ang mga biktima na nangangailangan ng agarang judicial protection.
Lumalabas din umano na hindi mabisa ang domestic remedies para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Iaakyat umano nila ang desisyon ng CA sa Korte Suprema.
Sa desisyon ng CA Former Special Fifteenth Division na isinulat ni Associate Pedro Corales, nabigo umano ang mga petitioner na patunayan ang banta sa kanilang buhay, kalayaan at seguridad dahil hindi raw sila nakapagprisinta ng ebidensya.
Sakali man daw na totoo ang mga pag-atake, panggigipit at paniniktik laban sa mga petitioner, ito raw dapat ay suportado ng ebidensya na magpapatunay na ito ay isinakatuparan dahil sa pagiging miyembro nila ng NUPL.
Bigo raw ang mga petitioner na patunayan na ang pagpatay kay Atty. Felicio noong 2014, ang pagtatangka sa buhay ni Atty. Espinosa noong 2017 at ang pagpatay kay Atty. Ramos noong 2018 at direktang may kinalaman sa pagiging miyembro nila ng NUPL.
Bagamat nakapagsumite umano ang mga petitioner ng kopya ng mga anonymous o unsigned graffiti, posters, flyers, leaflets at streamers na nagpapakita ng kanilang pangalan at umano’y ugnayan nila sa CPP-NPA, hindi naman nila napatunayan na may partisipasyon dito ang mga respondent.
Bigo rin daw ang mga respondent na patunayan na ang kanilang right to privacy ay nalabag kaya ang ibinasura ang kanilang hirit na writ of habeas data.
Wala rin umanong ebidensya na ang mga respondent ay may itinatagong records of investigations at iba pang mga report tungkol sa mga petitioner at ang kanilang di umano’y ugnayan sa CPP-NPA.
Paliwanag pa ng CA, nabigo ang mga petitioner na patunayan ang accountability ni Pangulong Duterte kaya dapat siyang maalis bilang respondent sa kaso.
Bukod kay Pangulong Duterte, respondent din sa petisyon sina National Security Adviser Hermogenes Esperon, Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP Chief of Staff Benjamin Madrigal Jr at iba pang mga opisyal ng militar.