Sa lingguhang forum na Tapatan, sinabi ni Rodolfo Diamante, ang executive director ng CBCP-Episcopal Commission on Pastoral Care, na isang usaping politikal ang isyung nakalatag sa kongreso kung saan mayroong malawak na political allies ang Pangulo.
Sa Senado aniya ay 17 mula sa 24 na Senador ang tiyak na magpapatibay sa death law habang ang super majority naman sa Kamara ang tatango sa nasabing panukala.
Sa gitna nito, iginiit ni Diamante na patuloy silang magsasagawa ng information campaign upang mapaliwanagan ang mga mamamayan.
Nakapagsimula na sa Mindanao at itutuloy nila ito sa pamamagitan ng pag-imbita ng mga eksperto na manggagaling sa iba’t ibang sektor gaya ng simbahan, labor, academe, mga estudyante at personalidad na tutol sa death penalty na dito ay maaaring imbitahan din ang UN rapporteur.
Bagaman alam nila na tiyak makapapasa ay patuloy nilang lalabanan sa iba’t ibang paraan dahil sila ay naniniwala na labag sa kautusan ng Diyos ang parusang bitay.