Duterte bukas sa bagong bersyon ng anti-endo bill

Bukas si Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong bersyon ng Security of Tenure Bill na una nitong hindi inaprubahan o na-veto.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pumayag ang Pangulo na i-review ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang panukalang batas.

Malaking bagay anya na bukas ang Pangulo sa bagong bersyon ng Anti-endo bill.

“The mere fact that he allowed us to review this bill–I think it also involves reviewing the veto — so malaking bagay yan. It is a step forward,” ani Bello.

Dagdag ni Bello, susuriin din ng ahensya ang ibang panukala na layong magbigay ng security of tenure sa mga manggagawa.

Dahil dito ay umapela ang Kalihim sa mga manggagawa na kumalma dahil hindi pa tapos ang laban.

“That’s why I’ve been appealing to the workers na huwag pabigla -bigla. It is not the end of their cause,” dagdag ni Bello.

Pero sinabi rin ng opisyal na nagulat ang Pangulo sa batikos ng publiko sa pag-veto niya sa panukala.

Nais lang anya ng Pangulo na ibalanse ang parehong kapakanan ng mga employers at manggagawa.

Gagawa ang mga opisyal ng DOLE at team ng mga mambabatas ng bagong bersyon ng bill na maaaring isumite sa Legislative Executive Development Council (LEDAC) sa susunod na linggo.

Araw ng Lunes ay naghain si Senator Joel Villanueva ng bagong anti-endo bill na tatalakayin ng Senado ngayong 18th Congress.

 

Read more...