Patay ang siyam na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Toraypie Group habang tatlong iba pa ang sugatan sa enkwentro sa mga sundalo ng Joint Task Force Central sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.
Kinilala ng JTF Central ang mga nasawi na sina Abdul Mosaiden, Mohammad Satar, Hamid Ekal, Maula Samad, Esmail Kagui Malang, Muner Akbal, Musanep Kabelan, at isang alyas Alimudin.
Samantala, nabatid ng militar na sina Abdul Mama, Pagayao Sulaiman at Omar Malayog ay sugatan sa bakbakan.
Isang sundalo naman ang nasugatan at agad itong dinala sa Camp Siongco Station Hospital.
Layon ng opensiba ng militar, na nagsimula pa noong July 25, na masawata ang plano ng dalawang grupo sa Barangay Dasawao.
Namatay sa inisyal na bahagi ng opensiba ang sundalong si Sergeant Ahmad Mahmood.
Nakiramay si Western Mindanao Command chief Lt. General Cirilito Sobejana sa pamilya ni Mahmood.
Sinabi naman nito na magpapatuloy ang opensiba ng militar laban sa mga bandido.