Ipinag-utos na ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y korupsyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na korupsyon ang rason ng pagpapasara sa lahat ng gaming operation ng PCSO.
Sa department order, naglabas ng direktiba si Guevarra sa NBI na imbestigahan at gumawa ng case build up sa sinasabing talamak na korapsyon sa ahensya at ilang gaming operations nito.
Ayon sa kalihim, ang imbestigasyon ay magsisilbing oportunidad sa PCSO para ipakitang walang nagaganap na korupsyon sa kanilang operasyon.
Oras na mapatunayang mayroong sangkot sa korupsyon, sinabi ni Guevarra na agad magsampa ng kaso laban sa mga responsable rito.
Nilinaw naman ni Guevarra na hindi pareho ang ipinag-utos na closure order sa pagsuspinde sa buong ahensya.
Matatandaang sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na papangalanan ng pangulo ang mga sangkot sa umano’y korapsyon sa takdang panahon.