Hiniling ng kampo ng mga respondent kaso ng Kapa Community Ministry International Incorporate sa Department of Justice na mabasura ang reklamong inihain laban sa kanila ng Securities and Exchange Commission.
Ito ay sa kontra salaysay na isinumite ng apat na mga respondent na kinabibilangan nina Joel Apolinario, Reyna Apolinario, Rene Catubigan at Catherine Evangelista sa panel of prosecutors ngayong umaga.
Gayunman, “no-show” ang apat na mga respondent sa ikatlong araw ng preliminary investigation.
Sa halip, ang mga abugado lamang nila ang sumipot sa pagdinig.
Nauna nang pinanumpaan ng apat na mga respondent ang kanilang kontra salaysay sa harap ng Provincial Prosecutor sa Sarangani.
Nagawa namang makadalo ng respondent na si Moises Mopia pero wala siyang naisumiteng counter affidavit.
Ayon kay Atty. Mae Divinagracia, isa sa mga abugado nina Joel Apolinario, hiniling nila sa DOJ na mabasura ang kaso o di kaya ay masuspindi muna ang pag-usad ng pagdinig.
Ito ay dahil umano sa prejudicial question bunsod ng nakabinbing kaso ng Kapa Community Ministry sa Regional Trial Court sa General Santos City.
Nauna nang kinuwestiyon ng Kapa sa isang korte sa General Santos City ang inisyung cease and desist order laban sa kanila ng SEC.
Inaakusahan ng SEC ang Kapa na sangkot umano sa investment scam dahil ang paghingi raw nito ng investment ay walang permiso mula sa kanilang tanggapan at ito ay labag sa Securities Regulation Code.
Maihahalintulad din umano sa Ponzi Scheme ang investment program ng Kapa dahil sa alo nito na sobrang taas na interessa mga investor.
Itinakda naman ang susunod na pagdinig sa August 5 para sa pagsusumite ng kontra salaysay ng iba pang respondent.