Sa kabila ng babala ng PBA at kaniyang koponan, Calvin Abueva muling naglaro sa ‘ligang labas’

Hindi nagpaawat si Calvin Abueva sa paglalaro sa ‘ligang labas’ sa kabila ng babala sa kaniya ng PBA at kaniyang koponan na Phoenix Pulse Masters.

Unang nagpahayag ng pagkadismaya ang Phoenix dahil naglaro noong nakaraang linggo si Abueva sa isang ligang pang-Barangay sa Montalban, Rizal.

Si Abueva ay pinatawan ng indefinite suspension ng PBA dahil sa dalawang insidenteng kinasangkutan niya noong nakaraang buwan sa dalawang game ng Fuel Masters.

Pero ayon sa Phoenix, kinausap nila si Abueva na ang suspensyon ay hindi dapat gamitin ni Abueva sa paglalaro sa ‘ligang labas’ at sa halip ay dapat niya itong gamitin para mag-reflect hinggil sa kaniyang karakter at ihanda ang sarili mentally at physically sa pagbabalik sa game.

Sinabi pa ng Phoenix na papatawan ng parusa si Abueva sa paglalaro nito sa ligang pang-barangay.

Pero sa championship kagabi (Linggo) sa Montalban, Rizal ay muling naglaro si Abueva.

Sa mga larawang ibinahagi ng netizens ay makikitang muling naglaro bilang import si Abueva para sa koponan ng Barangay San Isidro.

Katunayan, nag-kampyon sa naturang liga ang barangay kung saan naglaro si Abueva.

Read more...