Wagi ang teen singer na si Zephanie Dimaranan sa ABS-CBN singing reality competition na Idol Philippines.
Sa grand finals na ginanap Linggo ng gabi, nakuha ni Dimaranan ang 100 percent na combined score mula sa viewers at judges para talunin ang kapwa finalists na sina Lucas Garcia at Lance Busa.
Hindi sumuko sa kanyang pangarap si Dimaranan sa kabila ng mga pagkatalo sa ilan pang singing competitions sa telebisyon partikular ang “The Voice Kids” at “Tawag ng Tanghalan”.
Inawit ni Dimaranan sa first round ng finals ang ‘Maghintay Ka Lamang’ kung saan pinapili ang finalists ng kanta na magsasalarawan sa kanilang paglalakbay tungo sa pangarap.
Sa ikalawang round ay patuloy na pinahanga ng teen singer ang crowd sa kanyang original song na “Pangarap Kong Pangarap Mo” na binuo ni Jonathan Manalo.
Makailang beses nakumpara si Dimaranan sa kanyang idolo na si Sarah Geronimo dahil sa kanyang galing, ‘charm’ at ‘down to earth’ na pag-uugali.
Magugunitang naging bahagi ng Team Sarah si Dimaranan sa The Voice Kids Philippines Season 2 ngunit hindi umabot sa grand finals.
Taong 2018 ay lumaban naman sa Tawag ng Tanghalan ang teen singer ngunit hindi nagwagi laban kay Jenine Berdin na itinanghal na kampeon ng naturang kompetisyon.
Nagsilbing judges ng Idol Philippines sina Regine Velasquez, Vice Ganda, Moira dela Torre at James Reid.
Bago tuluyang matapos ang programa, inanunsyo ng host na si Billy Crawford na muling magbabalik ang kompetisyon para sa isang panibagong season.