‘Tepok Lamok’ campaign dapat buhayin kontra dengue ayon kay Sen. Recto

Para mapalawak ng husto ang kamalayan ukol sa dengue, nagbigay ng suhestiyon si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na buhayin ang ‘Tepok Lamok’ campaign ng yumaong Health Secretary Juan Flavier.

Ayon pa kay Recto kung may Earth Hour at National Earthquake Drill Day, marapat lang na magkaroon din ng ‘Anti-Dengue Day.’

Paliwanag pa ni Recto wala pang social media noon ngunit mas naintindihan ng publiko ang kahalagahan ng kampaniya ukol sa mga sakit na dulot ng lamok.

Paalala pa ni Recto ang ‘Oplan Alis Disease’ ni Flavier na para naman sa kampaniya sa bakuna sa mga bata ay naging matagumpay din.

Kayat aniya kung magagaya lang ngayon ang ginawa ni Flavier noon para sa pag iwas, kontrol at paggamot sa mga sakit ay maaring mas marami ang magkainteres ukol sa sakit na dengue.

Hinihikayat ni Recto ang Malakanyang na magtalaga ng isang araw para sa sama-samang pagsugpo sa sakit na nag uugat sa kagat ng lamok.

Sa Sorsogon, idineklara na ni dating senator at ngayon Gov. Chiz Escudero ang July 29 bilang ‘Anti Dengue Special Working Day.’

Read more...