Sinabi ni NBI-NCR Dir. Atty. Cesar Bacani, sa kwento ng biktima, tinakot ng mga BIR official ang isang pribadong kumpanya na nakabase sa Pasig City na sasampahan sila ng kaso at hahabulin ang kanilang tax liability kung hindi ibibigay ang perang hinihingi.
Sa umpisa ay P160 million ang halaga na hinihingi ng mga suspek hanggang sa magkatawaran at maibaba ito sa P75-million.
Nagkasundo ang mga suspek at ang complainant na nagkikita sa isang hotel sa Ortigas area, na kalaunan ay binago at inilipat sa isang hotel sa Quezon City.
Bagaman apat na BIR officials ang kausap ng mga complainant ay dalawa lang ang nagpakita sa meeting place sa parking area ng hotel.
Kinilala ng NBI ang mga naaresto na sina Alfredo Pagdilao at Argripina Vallestero.
Ang dalawang hindi sumipot ay sina Rufo Ranario at Michelle Dela Torre.
Huli ang dalawang suspek habang tinatanggap ang dalawang maleta na may lamang boodle money kung saan P100,000 ay marked money.
Ipinagharap na ng NBI sa DOJ ng mga kasong plunder, graft and corruption, robbery extortion at grave misconduct ang mga suspek.