Umalma ang riders ng Motorcycle Hailing App na Angkas sa bagong panuntunan na ipinatutupad ng Skyway Corporation sa ilang parte ng Osmena Highway na nagbabawal sa kanila na makadaan dito dahil sa mababang klase ng makina ng kanilang mga motorisklo.
Kinuwestyon ng Angkas ang kapangyarihan ng Skyway Operations and Maintenance Corporation (SOMCO) na magpatupad ng ban o pagbabawal sa mga motorsiklo na mababa sa 400CC ang gamit na makina na makadaan sa parte ng Sales Bridges sa Pasay City hanggang sa Magallanes sa Makati.
Tinawag ng grupo na isang anti-poor at anti-bikers ang kautusan na sinimulang ipatupad noong July 22.
Ayon sa grupo, wala sa poder ng Skyway Corporation ang kapangyarihan para dito dahil hindi naman pribadong kalsada ang parte ng Osmena Highway na karugtong ng SLEX.
Wala rin anilang inilalabas na kautusan ang alinang ahensya ng pamahalaan gaya ng DOTr, Toll Regulatory Board o DPWH patungkol sa naturang pagbabawal.
Naniniwala ang grupo na hindi naman parte ang Osmena Highway ng tinatawag na Limited Access Tollways.
Nagbanta ang grupo na mapipilitan silang maghain ng kasong laban sa Skyway kapag hindi nito binawi ang ban sa Osmena Highway.
Kabilang sa mga opsyon ng grupo ang paghahain ng injunction case para maibasura ang motorcycle ban, gayundin ang class suit at civil case para sa mga danyos na itinutulot ng ban ng Skyway.