Nasagip ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) araw ng Miyerkules ang isang lalaki na kinidnap ng kanyang kapwa Chinese nationals matapos hindi makabayad sa utang.
Nakilala ng pulisya ang biktima na si Haitao Li, 35 anyos, mula sa Hubei Province, China.
Nakatanggap ang pulisya ng impormasyon mula sa isang Malaysian National ukol sa isang Chinese na ikinulong ng mga kababayan sa New Port Boulevard Tower sa Pasay City.
Agad na tumungo ang mga operatiba ng PNP-AKG sa lugar at nasagip ang biktima habang inaresto ang mga kumidnap dito na nakilalang sina Zhangpeng Xiong, 32 anyos at Tian Fu Zhao, 34 anyos.
Ayon kay PNP-AKG director Police Col. Jonnel Estomo, hinihinalang miyembro ang mga suspek ng isang loan-shark group.
Modus umano ng mga suspek na magpautang sa mga casino at kapag hindi nakabayad ang pinautang ay saka nila dudukutin.
Nakuha pa ng pulisya ang isang cellphone video na makikitang sinasaktan ang biktima at ipadadala ito sa pamilya ni Haitao Li sa China kapalit ng ransom.
Nakakulong na ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng kasong kdinapping with ransom.
Apatnapu’t siyam na kaso na ng kidnapping-related incidents ang naitatala ng PNP-AKG simula 2017 kung saan 21 rito ay naganap ngayong 2019.
Limampu’t pito sa mga biktima ay Chinese habang 115 suspek na ang naaresto.