Higit 2,500 panukalang batas inihain sa Kamara sa unang araw ng 18th Congress

Mahigit 2,500 na panukalang batas ang inihain ng mga kongresista sa Kamara sa unag araw pa lamang ng 18th Congress noong July 1.

Bago pa hilingin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA, naihain na ng mga miyembro ng Kamara ang ilang bill na sumusuporta sa kanyang legislative agenda sa natitirang 3 taon ng termino nito.

Kabilang ang panukalang pagbabalik ng death penalty, pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataang elections at pagbuo ng departamento para sa disaster resilience at water resources.

Dalawa ang panukalang batas na ibalik ang parusang kamatayan, ang House Bill 368 ni Tarlac Rep. Victor Yap at House Bill 1588 ni House Minority Leader Benny Abante.

Layon ng panukala ni Abante na ipataw ang death penalty sa mga kasong may kaugnayan sa droga at sa plunder, bagay na nais ng Pangulo.

Sina Representatives Xavier Jesus Romualdo at Joey Salceda at Majority Leader Martin Romualdez ay may kanya-kanya namang panukala na bumuo ng Department on Disaster Resilience na nais din ng Pangulo na madaliin ng Kongreso.

Habang inihain ni Rep. Alfred Vargas ang panukalang pagbuo ng Department of Water na layong tugunan ang krisis sa tubig sa Metro Manila.

Ang iba pang panukalang batas ay ukol sa national land use, coco levy fund, tax reform program, pagtugon sa trapik at ang TRABAHO bill.

 

Read more...