Angara: 2020 budget ipapasa sa tamang oras ng Senado

Tiniyak ni Sen. Sonny Angara na maipapasa sa tamang oras ng Senado ang panukalang 2020 national budget.

Ito ay upang maiwasang maulit ang pagkakabalam sa pag-apruba sa 2019 budget.

Sa isang pahayag, sinabi ni Angara na kailangang maipasa ang pambansang budget sa tamang oras dahil anumang pagkakabalam sa pagpapatupad ng mga programa ay makakaapekto sa publiko.

“We owe it to the public to pass the budget on time. Any delay in the implementation of public programs and the delivery services is a disservice to them,” ani Angara.

Magugunitang ang P3.7 trilyong national budget sa taong ito ay nalagdaan lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril matapos hindi agad maipasa ng Kongreso.

Nagdulot ang pagkakabalam sa 2019 national budget ng pagkakaroon ng delay sa pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.

Sinabi ni Angara na bilang bagong Finance Committee chairman ng Senado, patuloy na ibibigay sa vice chairpersons ng kanyang komite ang trabaho sa budget deliberations ng mga ahensya para mapabilis ang mga pagdinig.

Nais ni Angara na matiyak ang pondo para sa edukasyon, pangkalusugan, imprastraktura at rural development.

Noong Lunes, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na sa loob ng dalawang linggo ay ipapasa na sa Kongreso ang panukalang 2020 national budget.

 

Read more...