Mga miyembro ng Ygot drug syndicate group ang tatlong lalaki na napatay sa enkwentro sa pulisya sa Mandaue City, Cebu.
Ayon kay Police Major Mercy Villaro, public information officer ng Mandaue City Police Office (MCPO), mga miyembro ng naturang sindikato ang tatlong suspek.
Kinumpirma naman ito ni Police Lt. Col. Bernouli Abalos, hepe ng City Intelligence Branch ng MCPO.
Ang Ygot drug group ay notoryus na sindikato na dating naka-base sa bayan ng Consolacion.
Ayon sa pulisya, sakop ng multi-million drug shipments ng grupo hindi lang sa Visayas region kundi pati sa mga lugar sa Luzon at Mindanao.
Nakakulong na ang lider ng grupo na si Rustico Repuela Ygot sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa pero naniniwala ang pulisya na ang mga kasabwat nito ay konektado pa rin sa kalakalan ng droga.
Nagkaroon ng shootout sa buy bust operation nang matunugan ng target na si Prince James Ledesma Mapalo na pulis ang kanyang ka-transaksyon.
Dead on the spot si Mapalo at isa nitong kasama habang ang isa pa ay dead on arrival sa ospital.