Senator bong go, hihingi ng tulong kay senator revilla na suportahan ang death penalty sa plunder

Personal na hihilingin ni Senador Bong Go kay Senador Bong Revilla na suportahan ang kanyang panukalang batas na parusahan ng kamatayan ang mga nasasangkot sa plunder o pandarambong.

Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ni Go na hayagan naman ang pagsuporta ni Revilla na patawan ng kamatayan ang mga nangungurakot sa pera ng bayan.

Si Revilla ay nakasuhan at nakulong na dahil sa plunder bunsod ng nakuhang kickback na mahigit 200 milyong pisong pork barrel funds dahil sa pagbubuhos ng pondo sa mga pekeng non government organization ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.

Aminado si Go na matabang ang panlasa ng mga Senador sa kanyang panukala.

Sa ngayon, tanging si Senate President Tito Sotto lamang ang sumusuporta sa kanyang Senate Bill 207 na naglalayong ibalik ang parusang kamatayan sa mga sangkot sa illegal drugs at plunder.

Hamon ni Go sa mga kapwa mambabatas, kung hindi naman sila magnanakaw sa kaban ng bayan dapat suportahan ang kanyang panukala.

Isa rin sa mga opsyon na pinag aaralan ngayon ni Go ay ipa-sertipikahang urgent ang kanyang panukala kay Pangulong Rodrigo Duterte para mapadali at makakuha ng suporta sa senado.

 

Read more...