Panukalang pagbuo ng Department of Disaster Resilience naipasa na sa komite sa Kamara

File Photo: Province of Davao Oriental
Hawak na ng House Committees on Government Reorganization at Disaster Management ang panukalang batas para sa paglikha ng hiwalay na ahensya ng gobyerno na mangangasiwa sa mga kalamidad.

Sa ilalim ng House Bill 30 ni Albay Rep. Joey Salceda nais nito na lumikha ng Department of Disaster Resilience o DDR na magsisilbing lead agency sa disaster risk reduction, preparedness, response at reconstruction o rehabilitation.

Sa ngayon kasi, hiwa-hiwalay ang mga ahensya na kumikilos kapag may kalamidad sa bansa kabilang NDRRMC, DOST, DILG, DSWD at NEDA kung saan ang Office of Civil Defense ang nagsisilbing nerve center o sentro ng pag-aksyon.

Ang trabaho, assets, pondo at mga tauhan ng OCD ay ililipat sa DDR pero hindi pa ito bubuwagin.

Ang tatanggalan lang ng trabaho ay ang DSWD na pupuwede nang tumutok sa ibang functions nito. Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ay tututok na lang sa paglikha at pagpapatupad ng mga polisiya patungkol sa disaster management.

Aabot sa mahigit P31 bilyon ang ipinapanukalang pondo para sa operasyon ng DDR.

Ang DDR ay napagtibay na sa Kamara ngunit hindi na naihabol bago nagsara ang 17th Congress at muli nga ay nabanggit kahapon sa SONA ni Pangulong Duterte.

Read more...