Sen. Win Gatchalian, dinipensahan si Sen. Hontiveros laban sa ‘slut shaming’ na netizen

INQUIRER Photo
Napabilang na si Senator Sherwin Gatchalian sa mga nagtanggol kay Senator Risa Hontiveros sa panghihiya ng isang netizen ukol sa kasuotan nito sa pagbubukas ng 18th Congress sa Senado.

Sa kanyang sagot sa Twitter, pinagsabihan ni Gatchalian ang nambastos na social media user na marami sa mga bagong batas ay bunga ng pagpupursige ni Hontiveros.

Sinabi pa ng senador na mababaw ang pag-iisip ng pumuna sa suot ni Hontiveros dahil pati pag-upo ng senadora ay napansin pa.

Bukod kay Gatchalian, maraming netizens na ang dumipensa sa senadora at may mga nagpa-alala pa na ito ang awtor ng ‘Anti-Bastos Bill’ na layon maiwasan na ang pambabastos sa kalsada hindi lang sa mga kababaihan, kundi maging sa mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender o LGBT community.

Samantala, sinagot naman ni Hontiveros sa kanyang personal Twitter account ang tumawag sa kanyang ‘thirsty slut’ dahil na-post na picture ng mga senador ng 18th Congress.

Ang simpleng sagot ng senadora, “stop telling women how to dress.”

Sinagot din niya ang isang netizen na hindi niya maintindihan kung paano nababastusan ang ilan sa pag-upo ng isang babae at sa tinatawag na ‘slit’ sa damit.

Samantala, mananatili si Hontiveros na chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Read more...