LEDAC dapat ng mag-convene para mailatag na ang mga panukalang batas

Pinapa-convene ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang Legislative-Executive Advisory Council (LEDAC) kung saan si Pangulong Rodrigo Duterte ang pinuno.

Ayon kay Velasco, kailangang kaagad itong mag-convene upang magkaroon ng oras ang Executive at Legislative Departments upang gumawa ng Common Legislative Agenda.

Ito ayon sa mambabatas ay pareho ng kanilang ginawa noong 17th Congress.

Kailangan anyang magkasundo ang executive department, Kamara at Senado sa kung anong batas ang bibigyang prayoridad upang kaagad maging batas.

Nanindigan din si Velasco sa kanyang commitment na suportahan ang mga batas na nais maisulong at sa katunayan anya ay naihain na nito ang mga ilan sa mga binanggit ng pangulo sa SONA tulad ng pagpapaliban ng Barangay at SK elections, pag-institutionalize sa ROTC at ang pagpapabilis sa transaksyon sa pamahalaan.

Bilang isa rin sa nagsusulong ng renewable energy at energy efficiency, sinabi ni Velasco na kaisa siya ng pangulo sa panawagan upang bilisan ang mga proyekto na may kinalaman sa renewable energy sources.

 

Read more...