Ngayong taon, kanya-kanyang bersyon ng Filipiniana ang inirampa ng mga opisyal ng gobyerno, maging ng kanilang mga kasama.
Isa sa inaabangan si Senator Nancy Binay na laging agaw eksena sa kanyang kasuotan.
Ngayong taon, pinili ni Senator Binay ang isang klasikong terno na gawa ng designer na si Randy Ortiz.
Modernong Maria Clara naman ang peg ng kasuotan ni Senator Pia Cayetano na gumamit ng lokal na yakan fabric mula naman sa designer na si Michael Leyva.
Simple pero eleganteng Filipiniana dress na kulay puti ang suot ni Senator Grace Poe mula naman sa designer na si Paul Cabral.
Isang piña barong naman ang suot ni Senator Cynthia Villar nang magbukas ang Senado at isang kulay orange na terno na may kimona at tapis ang suot niya para naman sa SONA.
Agaw pansin din ang kulay dilaw na gown ni Senator Imee Marcos na gawa ni Mak Tumang, ang designer ni Miss Universe Catriona Gray.
Tinawag niya itong “La Filigrin” na isang solihiya-inspired fabric at nilagyan ng kulay gintong palamuti.
Si Vice President Leni Robredo at kanyang mga anak ay nagbigay pugay naman sa mga Mindanao weavers sa kanilang mga gown.
Taon-taon naman ay best dressed ang mag-asawang sina Congresswoman Lucy Torres at Mayor Richard Gomez.
Si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ay usapin sa Chinese at Filipino fisherman ang naka-dibuho sa kanyang barong.
Ang panawagan para tapusin na ang patayan sa drug war ang naka-guhit sa gown ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago.
Si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, ay may pamaypay kung saan nakasaad ang pagtutol niya sa water privatization.