Itinaas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa P1.3 million ang pabuya para sa mga pumatay sa 4 na pulis sa Ayungon, Negros Oriental.
Ang mga pulis ay pinatay sa ambush ng hinihinalang mga rebeldeng komunista noong nakaraang linggo.
Unang inanunsyo ng Malakanyang na nag-alok ang Pangulo ng P1 million na reward para sa ikadarakip ng mga suspek.
Sa panayam sa media matapos ang kanyang 4th State of the Nation Address (SONA), inanunsyo ng Pangulo na magdadagdag siya ng P300,000 kung maipiprisinta sa kanya ang lider ng mga suspek na patay.
“Mas gusto kong patay sila. Kung patay sila, magdagdag pa ako ng 300. So it’s one million three hundred. Just bring me the head of that idiot leader there,” ani Duterte.
Sa kanyang pagbisita sa kanilang burol ay iginawad ng Pangulo ang posthumous Order of Lapu-Lapu sa mga pulis.
Ang mga pinatay na pulis ay mga intelligence officers ng 704th Mobile Force Company sa ilalim ng Regional Mobile Force Battalion sa Central Visayas.
Kinukumpirma ng 4 na pulis ang ulat na may mga NPA rebels sa Barangay Mabato nang tambangan sila sa Sitio Yamot.
Kinuha pa ng mga rebelde ang mga armas at motorsiklo ng mga pulis.