Publiko, hinikayat ni Pangulong Duterte na i-report ang mga kaso ng korupsyon

Photo grab from PCOO’s Facebook live

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na i-report ang mga kaso ng korupsyon sa gobyerno.

Sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), araw ng Lunes, sinabi ng pangulo na maaaring i-report ng sinuman ang kaso ng korupsyon at iba pang reklamo sa Palasyo ng Malakanyang sa pamamagitan ng 8888 hotline.

Tiniyak ng pangulo na lalabanan ng Malakanyang ang korupsyon sa pamahalaan.

“Malacanang is open 24 hours basta corruption,” pahayag ni Duterte.

Nagpaalala naman ang pangulo na i-report lamang ang mga totoong kaso ng korupsyon para hindi makasakit ng ibang tao.

“Huwag naman yung hindi totoo, yung makasakit ka ng tao,” ani Duterte.

Kasunod nito, ipinag-utos ng pangulo sa mga local government unit (LGU) at mga ahensya ng gobyerno ang pagpapaigting ng kampanya kasabay ng pagbabantang, “Pag di nyo ginawa papatayin ko kayo,” ayon sa pangulo.

Dagdag pa ng pangulo, maging siya mismo ay hindi tiyak kung kailan matatapos ang korupsyon sa bansa sa kabila ng kaniyang 35 taong panunungkulan sa gobyerno.

“When will corruption end? Well, I don’t know. I’ve been in government for 35 years,” pahayag ng pangulo.

Unang inilunsad ang 8888 hotline matapos pirmahan ng pangulo ang Executive Order No. 6 noong July 2016.

Read more...