Daan-daang katao, nakiisa sa kilos-protesta sa Cebu City

Daan-daang raliyista ang nakiisa sa kilos-protesta kasabay ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ng Lunes, July 22.

Sa tala ng pulisya, aabot sa 150 hanggang 200 raliyista ang nakiisa sa programa.

Nagsimulang magmartsa ang mga militanteng grupo sa bahagi ng Fuente Osmeña Circle at nagtipun-tipon sa Colon Street.

Layon ng rally na talakayin ang mga isyu sa administrasyong Duterte.

Nagdala pa ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ng mini-dragon effigy ni Pangulong Duterte na may nakapalibot na bandila ng China at Amerika.

Ayon kay Jaime Paglinawan, chairman ng grupong BAYAN Central Visayas, nais nitong iparating ang pagtutol sa pagpayag ni Duterte sa China na makapangisda sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Itinutulak din ng grupo ang paghahain ng impeachment complaint laban sa pangulo dahil sa umano’y paglabag sa Konstitusyon.

Kinondena rin ng grupo ang umano’y 26,000 kataong nasawi sa ilalim ng kampanya kontra sa ilegal na droga ng pamahalaan.

Ipinarating ng grupo ang pagsuporta sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa war on drugs campaign.

Maliban dito, binanggit din ng grupo na dapat tuparin ng pangulo ang mga pangako tulad ng pagtuldok sa kontraktuwalisasyon at pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa bansa.

Read more...