Patuloy na makararanas ng pag-ulan sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ng Lunes, July 22.
Batay sa abiso ng PAGASA bandang 2:15 ng hapon, iiral ang sama ng panahon sa bahagi Nueva Ecija at Bataan sa susunod na dalawang oras.
Mararanasan din ang sama ng panahon sa Quezon City, Marikina at Caloocan sa Metro Manila; San Jose, Capas at Bamban sa Tarlac; Santa Cruz, Candelaria, Masinloc, Palaiug, Botolan, San Marcelino, Subic at Olongapo sa Zambales.
Uulanin din ang San Jose Del Monte, Norzagaray, Doña Remedios Trinidad at San Ildefonso sa Bulacan; General Trias, Trece Martires, Magallanes, General Emilio Aguinaldo at Alfonso sa Cavite.
Apektado ng pag-uulan ang Nasugbu, Cuenca, San Jose, Lipa, Mataas na Kahoy sa Batangas; Rodriguez, San Mateo at Antipolo sa Rizal; Pagbilao at Lucena sa Quezon at Santa Maria sa Laguna.
Pasado 12:00 ng tanghali, nagsimulang makaranas ng pag-uulan sa bahagi ng Commonwealth Avenue, Katipunan Avenue at maging ang isinagawang kilos-protesta sa IBP Road.
Nag-abiso ang weather bureau sa mga maaapektuhang residente na maging alerto sa posibleng pagbaha at landslide.
Unang sinabi ng PAGASA na nakaaapekto ang southwest monsoon sa extreme northern Luzon habang makararanas naman ng isolated rainshowers ang nalalabing parte ng bansa dahil sa localized thunderstorms.