Layunin ni Pangulong Duterte, nais marinig ng mga Senador sa SONA

Umaasa ang mga senador na ihahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa State of the Nation Address (SONA) ang plano niya para sa bansa sa susunod na tatlong taon.

Ayon kay Senator Sonny Angara, nais niyang malaman kung ano na ang gameplan ng pangulo sa ikalawang bahagi ng kaniyang administrasyon at kung ano ang target nitong maipatupad sa mga susunod na taon.

Naniniwala rin aniya ang senador na kaya ng pangulong banggitin sa publiko ang mga problemang hindi pa nasusulosyunan at kung saang aspeto hindi gaanong umangat ang pamamahala ng administrasyon.

Inaabangan ni Senate President Vicente Sotto III na talakayin ng pangulo ang pagpapaigting pa sa kampanya laban sa droga na sinimulan noong 2016.

Si Sotto ay dating naupo bilang chairman ng Dangerous Drugs Board.

Sinabi naman ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na magtatagal lamang ang SONA ng pangulo ng 45 minuto hanggang isang oras.

Nakatuon din aniya ang talumpati ng pangulo sa pagsugpo sa kahirapan, mga proyektong imprakstraktura, at kapayapaan sa bansa.

Maaari aniyang mahagip ng pangulo ang usapin patungkol sa sigalot ng bansa at China sa West Philippine Sea.

Gaganapin ang SONA ng pangulo sa Batasang Pambansa kasabay ng pagbubukas ng 18th Congress sa Lunes, July 22.

Read more...