3 patay, 5 sugatan sa aksidente sa Cebu

Benjie Talisic, CDN Digital

Tatlo katao ang nasawi habang lima ang nasugatan sa aksidente sa General Maxilom Avenue, Cebu City araw ng Sabado.

Ayon kay Police Master Sergeant Antonio Pizarras ng Parian Police Station, patay ang driver ng isang pampasaherong multicab at dalawang sakay nito.

Ito ay matapos na maipit ang tatlo sa multicab na sinalpok ng isang Sports Utility Vehicle (SUV).

Dead on the spot ang pasahero na si Carlo Gahator, 24 anyos habang ang multicab driver na si Raul Largado, 46 anyos at isang hindi pa nakilalang pasahero ay pumanaw 12 oras makalipas ang aksidente.

Ang tatlo sa mga nasugatan ay mga pasahero rin ng multicab.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-swerve ang Fortuner sa kaliwa at nag-overtake sa isang sasakyan na tinamaan ng SUV saka ito sumalpok sa multicab.

Hindi umano agad naka-preno ang driver ng SUV kaya nito tinamaan ang multicab na tumalsik pa hanggang 23 metro.

May isa pang motorsiklo na tinamaan ang SUV na ikinasugat ng driver at angkas nito.

Nakakulong na sa Parian Police Station si Angelo Gurrea na driver ng Toyota Fortuner at nahaharap sa kasong reckless driving resulting to multiple homicide, injuries and damage to properties.

 

Read more...