Walang deliberate intent to mislead si Senador Grace Poe nang sabihin nitong isa siyang natural born Filipino citizen
at nakamit ang sampung taong residency reqiurement para sa tatakbong pangulo ng bansa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista, sinabi nito na
naging tapat si Poe sa pagsagot sa kanyang certificate of candidacy.
Taliwas naman ito sa pahayag ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na malinaw na minis-lead ni Poe ang mga
botante.
Gayunman, ayon kay Bautista, pinag-aralan nila ng husto ang nakasaad sa Saligang Batas na ang pagkuha ng natural
born Filipino citizen ay base sa dugo.
“Talagang mas maganda na mahanap na talaga ni Senator Poe ang kanyang mga kaanak para makapagpa-DNA at
matapos na ito,” pahayag ni Bautista.
Kung nais aniya ng kampo ni Poe na masunod ang mga international law na maituturing na natural born ang isang
bata kung saan natagpuan ay dapat na baguhin na ang Saligang Batas ng Pilipinas.
Kasabay nito, sinabi ni Bautista na sinadya nila na agahan ang pagpapalabas sa desisyon ng disqualification case
laban kay Poe.
“Ito ay para mabigyan ng pagkakataon si Senator Poe na dumulog sa Supreme Court,” pahayag ni Bautista.
Sa January 8 aniya, maaring magpalabas na ang Comelec ng pinal na listahan ng mga kakandidato sa pagkapangulo
sa 2016 elections.
Pero ayon kay Bautista sa January 20 ang pag-iimprinta ng mga balota.