Sa pahayag araw ng Biyernes, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang kinalaman ang Palasyo sa mga reklamo laban sa bise presidente at si alyas ‘Bikoy’ naman anya ang nasa likod nito.
“First, we have nothing to do with that complaint against the Vice President and senators. That’s basically the complaint of Bikoy. “We do not know anything about it. We have nothing to do with it and we will just let the law take its course,” ani Panelo.
Hindi umano maituturing na political harassment ang pagsasampa ng kaso dahil wala namang papel dito ang administrasyon.
Magugunitang lumutang ang lalaking nagpakilalang si Peter Joemel Advincula at sinabing siya si Bikoy – ang nasa likod ng paglalathala ng mga videos na nagsasabing may kaugnayan ang pamilya Duterte sa kalakalan ng iligal na droga ngunit binawi ito kalaunan.
Sa kasong isinampa ng PNP – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ), parehong nakatala si Bikoy bilang saksi at akusado sa kaso.
Ayon sa kalihim, ang inihaing reklamo ay pagkakataon para kina Robredo at iba pang respondents para maipagtanggol ang kanilang sarili.
Sinabi naman ng kampo ng pangalawang pangulo na kwentong kurtsero ang kasong inihain ng PNP-CIDG at panggigipit lamang ito.