Sa press conference sa Commission on Human Rights (CHR) office sa Quezon City, binanatan ni Bishop Deogracias Iñiguez ang war on drugs ng administrasyon kung saan kabilang sa nabibiktima ay mga bata.
Ayon kay Iñiguez, na chairman din ng non-government organization na ‘Akap sa Bata ng mga Guro – Kalinga Philippines’ dahil sa ilegal na mga pagpatay ay maraming bata rin ang nauulila habang ang iba ay nadadamay pa.
Binanggit ni Iñiguez si Kian delos Santos, na grade 11 student na nasawi sa Caloocan at si Myka Ulpina na tatlong taong gulang na nasawi sa Rodriguez, Rizal.
Ayon naman kay Children’s Rehabilitation Center officer-in-charge Frances Bondoc may mga pagkakataon na mga bata pa mismo ang aktwal na target ng mga pulis.
Ayon kay Bondoc, mula ng maupo sa pwesto si Pangulong Duterte ay 11 bata na ang napapaslang dahil sa counter-insurgency program.