Korte Suprema, maaring magkaroon ng special session para sa apela ni Poe

 

Inquirer file photo

Posibleng magsagawa ng urgent session ang mga mahistrado ng Korte Suprema para talakayin at resolbahin ang mga petisyon na kailangan agad mapagpasyahan.

Iyan ang tiniyak ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno bago mag-holiday break ang mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman.

Aminado ang Punong Mahistrado na magiging unusual o kakaiba sa mga nagdaan nilang Pasko dahil sa mga usaping politikal ngayon na posibleng i-akyat sa hukuman.

Isa na dito ang inaasahang petisyon ng kampo ni Senador Grace Poe matapos ibasura ng COMELEC en banc ang motion for reconsideration ng mambabatas para sa kanyang kandidatura sa halalan 2016.

Ngayong araw nagsimula ang christmas break ng mga empleyado ng korte at balik trabaho sila sa December 28 habang half day naman sa december 29.

Ayon din sa tagapagsalita ng Supreme Court na si Atty. Theodore Te, nakadepende ang paglalabas ng temporary restraining order (TRO) para sa mga urgent cases sa kung kanino paira-raffle ang kaso.

Aniya, kung sa full court ito mapupunta, mismong ang Chief Justice ang maglalabas ng TRO, at kung sa isang division naman, ang chair nito ang maglalabas ng order.

Sa January 12, 2016 pa kasi nakatakdang magbalik sesyon ang Supreme Court, pero kung ang isang kaso ay kailangan ng agarang aksyon, maari naman itong harapin ng korte.

Read more...