Itinalaga ni Pope Francis si Matteo Bruni bilang Director ng Holy See Press Office araw ng Huwebes.
Epektibo ang appointment ni Bruni simula July 22.
Si Bruni na ipinanganak noong 1976 sa Winchester, England ay nagtapos sa kursong modern and contemporary foreign languages and literature mula sa La Sapienza University sa Roma.
Mula July 2009 ay nagtatrabaho na siya para sa Holy See Press Office kung saan siya ang nag-aayos sa accreditation ng mga mamamahayag na magsasagawa ng coverage sa mga biyahe ng Santo Papa sa labas ng Italya.
Ang bagong Vatican spokesperson ay may asawa at anak.
Multi-lingual si Bruni na bukod sa Italian ay magaling sa English, Spanish at French.
Ayon kay Vatican communications head Paolo Ruffini, ilang taon nang nakikita ang kakayahan at professionalism ni Bruni.
“The Press Office has a new director, Matteo Bruni, who knows perfectly how we work and has been appreciated over the years for his people skills and professionalism,” ani Ruffini.
Papalitan ni Bruni si Alessandro Gisotti na itinalaga ni Pope Francis bilang ‘interim’ Director ng Holy See Press Office noong December 30.
Samantala, si Gisotti naman at Sergio Centofanti ay itinalaga ng Pontiff bilang deputy directors ng Editorial Directorate of the Vatican Dicastery for Communication.