Dalawampu’t dalawa katao ang naaresto matapos lusubin ng pulisya ang mga shops na gumagawa ng pekeng mga dokumento sa kahabaan ng Rizal Avenue, Maynila araw ng Huwebes.
Ayon kay National Capital Region Police Ofice director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, ang mga natimbog ay sangkot sa pag-iimprenta at distribusyon ng pekeng public documents.
Sinabi ni Eleazar na katumbas ng ‘economic sabotage’ ang masamang gawain ng mga naaresto.
Pinagkukunan din anya ng pekeng school credentials at college diplomas ang nasabing shops.
Ayon kay NCRPO Special Operations Unit chief Lt. Col. Rogarth Campo ang magkakasunod na raid na isinagawa kahapon ay sa bisa ng search warrants na inilabas ng tatlong Manila judges.
Maliban naman sa mga pekeng dokumento, nasamsam din ang pekeng mga identification cards, computers at dry seal stamps.
Ipinag-utos ni Eleazar ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa 22 naaresto.