PDEA: 5,526 nasawi sa giyera kontra droga ng gobyerno; naaresto, 193,063

Nilinaw ng gobyerno araw ng Huwebes ang tunay na bilang ng mga nasawi at naaresto sa giyera kontra droga.

Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) o ang ‘Real Numbers PH’ na iprinesenta ng mga ahensya ng gobyerno, sinabing 5,526 ang nasawi sa drug war mula July 1, 2016 hanggang June 30, 2019.

Mas mababa ang nasabing bilang sa datos ng Philippine National Police (PNP) na 6,600 na inilabas naman noong nakaraang buwan.

Samantala, 193,063 drug personalities ang naaresto sa 134,583 anti-illegal drug operations sa buong bansa.

Layon ng Real Numbers PH presentation na magbigay klaripikasyon sa gitna ng iginigiit ng human rights groups na 27,000 katao na ang nasawi sa drug war.

Umabot na sa P34.75 bilyon ang halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Lumalabas din na 42,045 baranggay na ang idineklarang drug free habang 19,215 pa ang nililinis sa bawal na gamot.

Sa press conference matapos ang data presentation, sinabi ni PNP Deputy Spokesperson Lt. Col. Kimberly Molitas na hindi anti-poor ang drug war.

Iginiit ng police official na umabot sa 7,054 ang high-value targets na naaresto sa kaparehong panahon.

Samantala, 681 government workers kabilang ang 282 elected officials, 76 uniformed personnel at 323 government employees din ang nadakip.

Nasagip naman ng pamahalaan ang 2,385 menor de edad na sangkot sa droga na karamihan ay nagtutulak.

 

Read more...