Bagyong Falcon, napanatili ang lakas ngunit bahagyang bumilis

Bahagyang bumilis ang pagkilos ng Tropical Storm Falcon ngunit napanatili nito ang lakas habang nasa bahagi ng northern Luzon.

Sa 11 p.m. press briefing ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 310 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Calayan, Cagayan o 220 kilometro Silangan ng Basco, Batanes.

Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometro bawat oras.

Kumikilos na ito sa bilis na 30 kilometro bawat oras sa direksyong Hilaga Hilagang-Silangan.

Sa ngayon, nakataas na lang ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 2 sa Batanes.

Signal no. 1 naman ang nakataas sa northeastern portion ng Cagayan kasama ang Babuyan Group of Islands.

Bukas, July 18, mararanasan ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, northern Palawan kasama ang Calamian at Cuyo Islands, at Romblon.

Mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malalakas naman na pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.

Pinag-iingat pa rin ng PAGASA ang mga residente sa mababang lugar sa panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Bawal pa rin ang pagpalaot sa mga lugar na nasa tropical cyclone warning signals at sa seaboards ng Luzon at western and eastern seaboard ng Visayas.

Posibleng lumabas na ang Bagyong Falcon ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng gabi.

Samantala, binabantayan ngayon ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) na namataan sa layong 190 kilometro Kanluran Timog-Kanluran ng Sinait, Ilocos Sur.

Read more...