PNP: Pagkamatay ng bata sa drugs operation sa Rizal kagagawan ng pulis

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) araw ng Miyerkules na ang bala na nakapatay sa 3 anyos na si Myka Ulpina sa operasyon kontra droga sa Rodriguez, Rizal ay galing sa baril na ipinutok ng isang pulis.

Ayon kay Calabarzon regional police director Brig. Gen. Edward Carranza, ang nakapatay umano kay Ulpina ay si Police Senior Master Sergeant Conrado Cabigao Jr.

Ito anya ay base sa mga pahayag ng iba pang pulis at mga testigo gayundin sa ginawang reenactment ng operasyon na target ang ama ng bata na si Renato Ulpina.

“Sa initial na ballistics ngayon, based sa positioning and reenactment, we came to an initial findings na ang nakabaril sa bata ay si Senior Master Sergeant Cabigao. Siya lang naman ang nakapunta doon sa kuwarto,” ani Carranza.

Ang mga tama anya ng baril sa braso at paa ng bata ay kagagawan ng isa pang pulis na si Police Corporal Mark Jherson Olaño, na nagpaputok mula sa kalapit na bahay.

“[Si] Olaño [ang] namaril mula sa katabing bahay doon sa 3rd floor, na ang tama ng bala ay sa paa at sa kamay [ni Myka],” dagdag ni Carranza.

Ang size anya ng gunshot wounds ng bata ay akma sa mga bala mula sa 9mm na ginamit nina Cabigao at Olaño.

“It’s possible that it was a 9 mm. At sa positioning at sa statement ng tropa sa reenactment, si Cabigao lang talaga ang nakapasok doon sa kwarto. Nasa bubong, sumilip doon sa tabi ng aircon, sinirang bintana doon si Cabigao, at doon nagkaputukan,” pahayag ng police official.

Lumabas din sa imbestigasyon na binaril pa ang ama ni Myka na si Renato kahit nakahandusay na ito.

“Noong nakabagsak na si Renato, binaril pa siya ng isang pulis. Kasi doon sa autopsy, nabaril na siya ng isa, nakabagsak na. Ang presumption ng isang pulis na iyon, akala niya buhay pa, binaril niya. Siguro out of anger, binaril pa rin siya (Renato) kahit patay na.”

Una nang sinibak ni Carranza ang hepe ng Rodriguez Police na si Lt. Col. Resty Damaso at director ng Rizal Provincial Police na si Col. Lou Evangelista dahil sa lapses sa operasyon.

Pag-uusapan pa ng mga opisyal ng pulisya ang gagawin sa 2 pulis na responsable sa pagkamatay ni Myka.

 

Read more...