Misa muling idinaos sa Jolo Cathedral

Credit: CBCP News

Hindi natibag ang pananampalataya ng mga Katoliko sa Jolo, Sulu.

Ito ay matapos muling buksan ang Cathedral of Our Lady of Mt. Carmel o ang Jolo Cathedral, kahapon araw ng Martes, halos anim na buwan matapos ang kambal na pagsabog noong January 27 na ikinasawi ng 22 katao.

Daan-daan katao ang dumalo sa reconsecration ng katedral na naganap kasabay ng pagdiriwang sa kapistahan ng Birhen ng Bundok ng Carmelo.

Pinangunahan ni Cotabato Archbishop Angelito Lampon ang misa habang si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabrielle Caccia ang nanguna sa reconsecration ng simbahan.

Dumalo rin sa pagdiriwang sina Davao Archishop Romullo Valles, Zamboanga Archbishop Romulo Dela Cruz at Marawi Bishop Edwin Dela Peña.

Ayon kay Bro. Geoff Mark Rosolada, Religion at Philosophy teacher sa Sulu, naging mahigpit ang seguridad sa buong Jolo at isinara ang ilang mga establisyimento para tiyakin ang kaligtasan ng mga parishioners.

Ang pagsabog noong Enero sa Jolo Cathedral ay isa sa mga pinakamalalang pag-atake sa Mindanao sa kabila ng mga hakbang para matamo ang kapayapaan sa rehiyon.

Samantala, patuloy na kinukumpuni ang mga nasirang bahagi ng cathedral na pinopondohan ng Aid to the Church in Need at iba pang organisasyon.

Read more...