Ayon kay PNP-Crime Laboratory Brigadier General Rolando Hinanay, lumalabas sa autopsy ng pulisya na pumasok ang bala sa batok ng bata at lumabas sa tenga.
Kung pataas man anya o pababa ang pasok ng bala ay nakadepende ito sa posisyon ng bata at posisyon ng nakabaril.
“Entry wound niya sa batok, lumabas siya sa may tenga, mas mataas sa may tenga,” ani Hinanay.
Nagtamo rin ng gunshot wounds ang bata sa kanyang mga kamay at paa.
Samantala, sinabi ng police official na nahihirapan silang matukoy kung sino ang nakabaril sa bata dahil walang metal fragments o bahagi ng bala na nakuhaa sa katawan nito.
Nasawi si Ulpina sa operasyon na ang target ay ang kanyang ama na si Renato Dolofrina.
Iginigiit ng pulisya na ginamit na human shield ni Renato ang kanyang anak na mariing pinabubulaanan ng pamilya ng bata.