Pinangunahan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang paglulunsad ng isang center kung saan pwedeng humingi ng impormasyon ang mga residente ukol sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan maging ang paghahain ng reklamo gaya ng koleksyon ng basura at pasaway na empleyado ng city hall.
Ayon kay Sotto, ang Ugnayan Pasig center ay alinsunod sa ordinansa ng lungsod ukol sa Freedom of Information (FOI).
Hanggang 10 minuto lamang ang hihintaying oras ng residente sa pagkuha ng detalye sa isang partikular na proyekto.
Sa kanyang Facebook post noong Linggo, inihayag ng Alkalde na nasa P1.4 bilyong halaga ng mga supplies at kagamitan ang “unaccounted.”
Ayon kay Mayor Vico, wala silang sinisisi kundi inutos lamang niya na magsagawa ng imbentaryo.
Inutos ng Alkalde ang moratorium sa pagbili ng mga bagong gamit hanggat hindi tapos ang imbentaryo sa nawawalang halaga ng mga supplies.
Samantala, sa flag raising ceremony araw ng Lunes ay inanunsyo ni Sotto na mula sa anim ay limang araw na lamang ang trabaho ng mga street sweepers sa syudad.
Nakatakda namang sibakin ni Sotto ang ilang traffic enforcers dahil sa mga reklamo ng pag-abuso.