Barangay sa Basilan, napalaya na mula sa Abu Sayyaf

 

Mula sa google maps

Sa wakas ay may isa nang barangay ang tiyak na napalaya ng mga militar mula sa kamay ng Abu Sayyaf Group sa Al Barka, Basilan.

Ito ang naging resulta ng bakbakan sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno at ng rebeldeng grupo na tumagal ng mahigit isang linggo at ikinamatay ng hindi bababa sa dalawang dosenang katao kabilang na ang tatlong sundalo at naging dahilan ng paglikas ng nasa 2,000 pamilya.

Emosyonal naman na humingi ng pang-unawa si Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman sa mga residenteng napilitang lumikas at naapektuhan ng bakbakan, lalo na iyong mga mula sa Brgy. Macalang na nasiraan ng bahay dahil sa nga air at ground assaults.

Tiniyak ni Hataman sa mga residente na isasaayos ng pamahalaang lokal at nasyonal ang kanilang mga tirahang nasira dahil sa artillery fire.

Ang mahalaga aniya ay walang nasaktan o namatay na sibilyan at na malaya na ang kanilang barangay mula sa kamay ng mga bandidong Abu Sayyaf.

Ayon kay Al Barka Mayor Darussalam Lajid, tinatayang nasa 9,000 katao ang lumikas mula sa mga barangay ng Dinapa, Linuan, Kailih, Macalang at Ginanta.

Pansamantalang naninirahan ang mga apektadong residente sa mga paaralan, multipurpose hall at mga kaanak o kaibigan.

Samantala, umabot naman sa 25 ang miyembro ng Abu Sayyaf ang napatay dahil sa bakbakan, at ang ika-26 ay isang Malaysian jihadist na si Mohammad Hussein Najib.

Aminado ang commander ng Army 1st Infantry Division na si Maj. Gen. Gerardo Barrientos na inabot pa sila ng isang linggo para lamang matiyak na malaya na mula sa Abu Sayyaf ang Brgy. Macalang.

At kahit na tatlo sa mga sundalo ang nasawi habang 26 sa kanila ay sugatan, naging sulit naman ito aniya dahil sa magandang naging resulta nito.

Bukod dito, mayroon pang isinasagawang malakihang operasyon ang mga militar sa Sulu, kung saan rin kilalang namamayagpag ang Abu Sayyaf, kung saan limang rebelde ang napatay ng mga militar.

Read more...