Dating gobernador ng Tawi-Tawi, kakasuhan ng Ombudsman

 

Inquirer file photo

Inanunsyo ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na sasampahan nila ng kasong kriminal ang dating gobernador ng Tawi-Tawi dahil sa palpak nitong pagsusumite ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon sa Ombudsman, mahaharap sa six counts ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees o Republic Act 6713 si dating Tawi-Tawi Governor Sadikul Sahali dahil sa hindi nito tamang paghahain ng kaniyang SALN sa loob ng anim na taon.

Hindi umano kasi ipina-notaryo ni Sadikul ang kaniyang SALN mula noong 2007 hanggang 2011, at hindi niya rin pinirmahan ang kaniyang SALN noong 2012.

Lampas na rin sa deadline aniya noong ipinasa ni Sadikul ang kaniyang SALN mula 2007 hanggang 2012.

At dahil papalapit na ang deadline na kanilang itinakda para sa taong ito, pinaalalahanan ng Ombudsman ang mga opisyal ng gobyerno at maging ang mga ordinaryong empleyado ng pamahalaan na seryosohin ang pagsusumite ng kanilang SALN.

Obligado kasi ang bawat empleyado ng gobyerno na magsumite ng form na naglalaman ng kanilang mga assets, liabilities, net worth at maging mga negosyo, pati ng kanilang asawa at mga anak na wala pang asawa na may edad 18 pababa.

Read more...