Itinanggi ng Communist Party of the Philippine ang paratang ni Philippine National Police chief, Police General Oscar Albayalde na sila ang nasa likod hakbang ng United Nations Human Rights Council na imbestigahan ang drug war sa Pilipinas.
Sa statement na inilabas sa website ng National Democratic Front of the Philippines, sinabi ng CPP na katawa-tawa ang alegasyon at malinaw anilang imbento lamang.
Tinawag din nila na kamangmangan ang paratang para maitago ang katotohanan.
“The statement of the PNP Chief Gen. Oscar Albayalde that the CPP is behind the UNHRC resolution is extremely laughable and shows the extent to which Duterte’s minions would invent scenarios and act stupid in their desperation to keep the truth from coming out,” ayon sa CPP statement.
Nagpahayag naman ng suporta ang CPP sa resolution ng ilang members state ng United Nations Human rights Council at nagsabing ang serye ng pagpatay sa mga drug suspect ay isang paraan na ginagamit din sa mga tumututol at humihingi ng hustisya.
Kapuna-puna rin ang pagiging aktibo ng ilang mga kaalyadong grupo ng CPP sa social media kung saan ay kanilang mariing binatikos ang pinuno ng PNP sa kanyang naging pahayag kontra sa naturang grupo.