Mga tindero ng paputok sa Bocaue, dismayado kay Duterte

 

Dismayado ang mga may-ari ng pagawaan ng paputok sa Bocaue, Bulacan dahil sa plano ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ipagbawal ang mga paputok oras na siya’y mahalal bilang presidente.

Bukod dito, sinabi rin ni Duterte na imbis na dito ipagbili ang mga paputok na gawang Bulacan, ipapanukala niyang i-export na lamang ang mga produktong ito.

Ikinagalit ni Ding Dinglasan na may-ari ng Ding Fireworks sa Pyrozone 1 ang plano ni Duterte at sinabing hindi na niya iboboto ang alkalde sa darating na halalan.

Ani Dinglasan, ang Philippine Pyrotechnic Manufacturers and Dealers Association Inc. ay binubuo ng mga manufacturers, suppliers, factory employers at mga tindero’t tindera na dumedepende lamang sa kita ng mga paputok taon-taon.

Ito aniya ay taliwas sa kaniyang paniniwalang tumatakbo si Duterte para sa mga maliliit na negosyo at mga mahihirap.

Naniniwala naman si Rommel Eustaquio na isa ring may-ari ng tindahan ng paputok sa Pyrozone 2 na hindi dapat mga paputok ang dapat pagdiskitahan ni Duterte, kundi ang mga pambobombang nagaganap sa Mindanao.

Giit nila, sila ay mga lisensyadong tindero at manggagawa ng paputok at na sumasailalim sila sa mga inspeksyon tulad na lamang ng itinakda ng mga pulis doon kahapon.

Dapat rin anila na inspeksyunin ng mga pulis ang mga tindahan sa Metro Manila dahil kadalasang doon nagmumula ang mga peke at hindi lisensyadong mga paputok.

Read more...