Poe, iaapela ang disqualification sa Korte Suprema

Inquirer file photo

Tulad ng inaasahan, iaapela ng panig ni Senador Grace Poe sa Korte Suprema ang hatol ng Comelec en banc na nagdidiskwalipika na ng tuluyan sa mambabatas na lumahok sa 2016 presidential elections.

Ayon kay Rex Gatchalian, tagapagasalita ni Poe, bagamat wala pa silang opisyal na kopya ng desisyon na natatanggap, sakaling totoo ang mga naglabasang ulat ay tiyak aniyang idudulog nila ito sa Kataas-taasang Hukuman.

Nakakabahala aniyang tila may ilang personalidad sa loob ng Comelec na pinangunahan na ang paglalabas ng impormasyon ukol sa desisyon kahit hindi pa ito opisyal na inilalabas ng komisyon.

Hiling ni Gatchalian, imbestigahan ng Comelec ang nagpalabas ng naturang ‘leak’ dahil may ilang protocol at panuntunan ang nalabag o hindi nasunod.

Naninindigan aniya ang kanilang panig na may ligal na batayan ang pagsusulong ni Poe ng hangarin na makapagsilbi sa taumbayan.

Isa aniyang natural born Filipino si Poe at nakuha na nito ang kinakailangang residency requirement upang mapahintulutang tumakbo bilang Pangulo ng bansa.

Dahil hindi pa aniya nakakarating sa Korte Suprema ang isyu, dapat na manatiling bahagi ng opisyal na listahan ng mga tatakbong presidente si Poe.

Read more...