Mayorya sa mga Filipino ay naniniwalang dapat igiit ng Pilipinas ang karapatan sa mga isla sa West Philippine Sea base sa nakasaad sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.
Sa isang forum sa Taguig City, iprinisinta ng Social Weather Stations (SWS) ang resulta ng panibagong survey kasunod ng ikatlong anibersaryo ng pagkapanalo ng Pilipinas laban sa expansive claim ng China sa South China Sea.
Lumabas sa resulta na 87 percent sa mga Filipino ang sang-ayon kung saan 63 percent ang ‘strongly agree’ habang 24 percent ang ‘somewhat agree.’
5 percent naman sa mga Pinoy ang hindi sumang-ayon at 8 percent ang undecided.
Samantala, sa kaparehong survey, 71 percent sa mga Pinoy ang naniniwalang seryosong pinoprotektahan ng gobyerno ang mga Filipinong mangingisda laban sa mga foreign vessel.
15 percent naman ang nagsabing hindi seryoso ang gobyerno habang 15 percent din ang undecided.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 adults mula June 22 hanggang 16, 2019.