Hinamon ng Philippine National Police (PNP) ang mga human rights group na pangalanan ang lahat ng 27,000 katao na nasawi umano sa
kampanya kontra ilegal na droga ng gobyerno.
Sa panayam sa Camp Crame sa Quezon City, sinabi ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na ipakita ang listahan sa kanilang hanay.
Bukas aniya ang PNP na imbestigahan ang lahat ng kaso kung totoo man ang datos.
Muling iginiit ni Albayalde na naninindigan ang PNP sa inilabas na datos na 6,600 ang naitalang drug-related killings mula July 2016 hanggang May 2019.
Ang kanilang datos ay suportado aniya ng mga record at naisumite na sa Office of the Solicitor General (OSG).
Sakali mang hingin ito ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), sinabi ni Albayalde na hahayaan nito ang executive department at ibang mataas na opisyal na magpasya ukol dito.
Iginiit pa nito na hindi kailangan ng Pilipinas ng international human rights committee dahil maayos aniyang nagtatrabaho ang Commission on Human Rights (CHR).