Isang Air Canada flight ang na-divert sa Hawaii matapos makaranas ng matinding turbulence araw ng Huwebes.
Sa isang pahayag, sinabi ng Air Canada na lulan ng Flight AC33 na patungo sanang Sydney, Australia mula Vancouver ang 269 pasahero at 15 crew.
Gayunman, nakaranas umano ito ng hindi inaasahang turbulence at agad na inilapag sa Honolulu alas-12:45 oras sa Hawaii.
Bilang precautionary measure, agad na sinuri ng medical personnel ang mga pasahero pagdating sa Honolulu.
Sa inisyal na ulat ng carrier, 25 katao ang nagtamo ng minor injuries.
Ang turbulence ay ang iregular na pagtatagpo ng mga hangin na minsan ay nagiging dahilan para mawala sa kontrol ang isang eroplano.
Noon lamang Hunyo, isang kaso ng matinding turbulence ang naranasan ng isang eroplano mula Kosovo patungong France.
Nakuhaan ng video ang nasabing insidente kung saan tila ibinalibag sa kisame ng eroplano ang isang flight attendant.