Maaaring dumoble ang populasyon ng Pilipinas sa loob lamang ng halos apat na dekada ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Sa isang pahayag araw ng Huwebes, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia na sa kasalukuyan ay nasa 108.1 milyon ang populasyon ng bansa at posibleng dumoble o maging 216.2 milyon taong 2058.
Ito ay kung hindi anya gagawa ng hakbang ang gobyerno para makontrol ang kasalukuyang 1.76 percent growth pace ng populasyon ng bansa.
Ayon kay Pernia, nananatiling isa sa pinakamataas ang global ranking ng Pilipinas sa populasyon sa ika-13 pwesto.
Noong 1994 anya ay binubuo ng Pilipinas ang 1.21 percent ng kabuuang populasyon ng mundo at ngayong 2019 ay 1.40 percent na.
“In the last 25 years, our global rank among most populated countries moved up a notch, from 14th to 13th. Filipinos made up 1.21 percent of the world’s population in 1994; this year, we make up 1.40 percent… Under this growth rate, our population, which is now 108.1 million, is expected to double in 39 years,” ani Pernia.
Bumaba naman na ang fertility rate ng Pilipinas sa 2.7 percent mula sa 6.4 percent noong 1969 at 4.1 percent noong 1994.
Gayunman, iginiit ni Pernia na mataas pa rin ito sa target ng gobyerno na 2.1 percent.
Ang pagbaba umano ng fertility rate ng Pilipinas ay bunsod ng pagtanggap ng publiko sa paggamit sa contraceptives.
Taong 2017 ay pumalo sa 40 percent ang gumagamit ng contraceptives mula sa 24.9 percent noong 1993.
Naniniwala ang NEDA chief na maaabot ng Pilipinas ang ideal population growth kung mapapalakas ang kampanya sa contraception at modern family methods.