Bong Go: Pagdaraos ng MMFF dapat maging dalawang beses isang taon

Nais ni Senator Christopher ‘Bong’ Go na gawing dalawang beses isang taon ang pagdaraos sa Metro Manila Film Festival (MMFF).

Inihayag ni Go ang kanyang panukala matapos makapanumpa bilang bagong miyembro ng executive committee ng MMFF.

Ayon sa baguhang senador, iniisip niya kung paano makatutulong sa mga Filipino artists at napansin niya anyang inaabangan talaga ang MMFF tuwing Disyembre hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

“As a senator, iniisip ko paano tayo makakatulong sa mga Filipino artists natin. Napansin ko, tuwing Disyembre ay inaabangan talaga itong MMFF hindi lang sa Metro Manila pati na rin sa mga probinsya,” ani Go.

Dahil dito ay ipapanukala umano niya na gawing dalawang beses kada taon ang film fest kung kakayanin ng resources at panahon.

“Ang suggestion ko po para makatulong, with your permission and approval ay maging twice a year po ang MMFF kung kakayanin po ng inyong resources at panahon niyo, panahon natin lahat. Magtulungan tayo,” dagdag ng senador.

Ang MMFF ay minamando ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Tuwing December 25 hanggang unang linggo ng Enero ng bagong taon ay itinatampok ang hindi bababa sa walong pelikulang Filipino.

Ayon kay Go, marami siyang kaibigang artista na humihingi ng tulong na makapagpasa ng batas para sa proteksyon ng mga manggagawa ng pelikulang Filipino.

 

Read more...