Lolo patay sa pamamaril sa Cebu

Benjie Talisic, CDN Digital

Patay ang isang 53 anyos na lolo matapos itong barilin sa harap ng kanyang misis at 7 anyos na apong babae malapit sa Mandaue Hall of Justice sa Mandaue, Cebu Huwebes ng hapon.

Ayon kay Police Staff Sergeant Eracleo Cebuco ng Mandaue City Police Office Precinct 2, nagbayad ang biktimang si Teodoro Mejares, residente ng bayan ng Consolacion, ng kanyang piyansa para sa kasong illegal possession of firearms at pauwi na sana alas 4:00 ng hapon nang barilin ito ng riding in tandem.

Nasaksihan ng asawa at apo ni Mejares ang pagbaril sa biktima pati na ang pamamakaawa nito sa mga suspek na huwag siyang patayin.

Lumabas sa imbestigasyon na naglalakad ang tatlo nang lapitan sila ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo.

Dead on the spot ang lolo matapos na ilang beses barilin ng mga suspek.

Noong 2018, naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group Central Visayas si Mejares dahil sa illegal possession of firearm.

Naglagak ito ng piyansa sa Regional Trial Court Branch 56 nang barilin sa labas ng Mandaue Hall of Justice.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at susuriin kung nakunan ng CCTV cameras ang pamamaril.

 

Read more...